Miyerkules, Hunyo 6, 2012

panaginip..



.. Kalagitnaan ng gabi.. Namalayan ko ang aking sariling gising sa gitna ng kadiliman.. Ang tanging aninag na aking natatanaw ay ang maliit na liwanag na nagmumula sa kabilugan ng buwan na tumatagos naman sa mga siwang ng pawid ng tahanang aking nakamulatan, tahanang sa reyalidad ay hindi ko pa nakikita, ang aking kapaligiran ay napapalibutan ng mga bagay na unang beses ko pa lang din nakita.. Sa harapan ko, ang banga na may lapad na isang dipa.. Sa gilid ko, ang paso na tila sisidlan ng inuming tubig.. Agad akong bumangon upang kumuha ng tubig na maiinom, sa aking pagbangon, hindi ko maiwasan ang makinig sa nakabibinging katahimikan, katahimikang sinasakop lang ng iilang mga pamilyar na tunog.. Sa paligid ay maririnig ang mga huni ng mga kuliglig, mga palakang tila sabay sabay na umaawit, at ang nakakakilabot na alulong nang mga aso sa di kalayuan.. Inilapag ko ang basong aking tangan tangan, gamit ang limitadong liwanag, pinilit ng aking mga paang kapain ang daanan patungo sa bintana.. Papalapit pa lamang, ramdam ko na ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa siwang ng bintanang iyon.. Nasa akmang aayusin ko iyon ng agawin ng isang nakakakilabot na tanawin ang aking paningin, isang eksenang hinding hindi ko malilimutan..
         Ang tahanang kubo na aking kinalalagyan ay nasa isang mas mataas na lupa, taas na sapat na upang hindi maabot ng tubig na nagmumula sa katabing sapa.. Sa unahan, madilim na kakahuyan na tila nagsisilbing kanlungan ng mga nilalang na kanina ko pa naririnig na umaalulong.. Mula sa siwang ng bintana, naaaninag ko ang isang pulutong ng mga taong naglalakad ng naka paa, ang bawat isa sa kanila ay nakasuot ng puting damit at itim na pang ibabang kasuotan, habang ang mga babae naman at naka itim na saya na ang haba ay aabot hanggang sa kani kanilang mga talampakan.. Tila nakapila, ang bawat isa ay may pagitan na isa hanggang dalawang dipa mula sa nasa unahan nila.. Hindi man malinaw sa akin kung saan sila patungo, dumako sa isipan ko ang posibilidad na ang kanilang tatahaking daanan ay ang daan patungo sa madilim na kakahuyan.. Habang tahimik na nakamasid, nakarinig ako ng mga tinig na nagsimula sa bulong, bulong na unti unting naging mga malalakas na panaghoy, tila mga nag iiyakang tao.. Taliwas sa mga nasa unahang pila, ang mga nasa kalagitnaan ay may tangan tangan na kandila sa kani kanilang mga kamay.. At.. Ang mga sumunod na eksena ay tila nagpatigil sa tibok ng aking puso, nakita ko ang mga kabaong na nakalutang sa hangin, mga kabaong na nakabukas ang sarahan.. Isa, dalawa, tat.. Sa aking bilang ay aabot sa labindalawang kabaong na nakalutang sa hangin ang aking namamasdan.. Dala ng takot na nagdulot sa akin ng kaduwagan, ipinikit ko ang aking mga mata, pilit na pinaniniwalang ang lahat ay kathang isip lamang.. At nang idilat kong muli ang aking mga mata at subukang silipin ang nasabing eksena, nakita ko ang mga kabaong na patungo na sa direksyon kung saan ako nandun, unti unti, ang kanina'y limitadong liwanag na nagmumula sa mga siwang ng pawid ng kubong aking kinalalagyan ay nabalot na ng liwanag, liwanag na nagmumula sa mga kandilang dala dala ng mga taong ngayon ko lang nakita ng malapitan.. Ang kanilang mga mukha ay naagnas, ang iba sa kanila ay nakalabas ang lamang loob at mga buto.. Ang katahimikang kanina'y nakabibingi ay tuluyan ng nasakop ng mga iyakan at panaghoy na nagmumula sa labas ng bahay na aking pinagkukublihan, nais nila akong kunin, gusto nilang buksan ang pintuang naglalakip sa akin, at bago ko pa man mamalayan, ang isa sa kanila ay nakahawak na sa aking kamay na tila humihila sa akin... 


Sampal..


        Sa pagmulat ng aking mata, naaaninag ko ang mukha ng aking kapatid.. Nakatatanda kong kapatid.. Bago iproseso ng isipan ko ang sakit ng sampal na nahita ko mula sa aking Ate, lumiwanag muna sa aking isipan na ang lahat ng eksenang aking nakita kani kanina lang ay isa lang palang panaginip.. Isang masamang panaginip.. Lumingon ako sa aking Ate na sumampal sa akin.. Nasaktan man, ipinagpapasalamat ko ang sampal na gumising sa akin, sampal na maaaring nagligtas sa akin sa isang bangungot. Bangungot na maaring naging resulta ng aking maagang kamatayan.. 




Salamat Ate.. Ang tanging salitang aking nabigkas.. 


Dasal.. Natatakot na akong matulog.. Makanuod na nga lang..